Paano Mag-ipon ng Pera? – Praktikal na Mga Ipon Tips Para Magkapera

Paano mag-budget ng pera? Nahihirapan ka bang mag-budget ng pera mo dahil kulang ang kinikita mo buwan-buwan? Tiyak na may mga bagay kang gustong bilhin, kainin o maranasan pero hindi mo magawa dahil limited ang funds mo. Ang saklap, di ba? Pero may hangganan din naman ang lahat. Hindi naman sa lahat ng oras ay wala kang pera o bitin ang panggastos mo. Sa artikulong ito, tuturuan ka namin, sa pamamagitan ng aming mga ipon tips, kung paano ka magkakapera, makakaipon at makakabili ng mga gusto mo anytime, kahit malayo pa ang suweldo.

Bakit hindi ka makaipon?

Naranasan mo na bang umiwas at magtago sa mga naniningil sa iyo? Malamang, isa ka rin sa mga nananatili nalang sa bahay tuwing day-off dahil wala silang budget panggala kahit pa bagong suweldo pa lang sila. Kaya naman dapat ay malaman mo kung paano mag-ipon ng pera habang maaga. Kung maabilidad ka, makakaisip ka agad ng mga paran kung paano mag-budget ng pera. Iniisip mo siguro na imposibleng sa sandaling panahon lang ay magkakaroon ka ng maraming pera dahil sa hirap ng panahon ngayon, at mahal ng bilihin, sadya naman talagang napakahirap makaipon ng pera.

Pero dahil nga ayaw mong maranasan ng mga anak ang naranasan mo noon, tiyak na interesadong-interesado kang malaman kung paano makaipon ng pera. Bago namin ituro sa iyo ang mga epektibong ipon tips, importanteng malaman muna kung bakit hirap makaipon ng pera ang isang tao. Narito ang lima sa mga pangunahing dahilan:

  1. Kawalan ng hanapbuhay o trabaho – Natural lamang na hirap mag-ipon ng pera ang taong walang trabaho. Kung wala kang suweldo, wala kang maitatabi, maliban na lamang kung ikaw ay isang estudyante na nakakatanggap ng sobra-sobrang allowance sa magulang o guardian mo.
  2. Lifestyle o gawi ng pamumuhay – Mahilig ka bang gumimik, mag-shopping o kumain sa mahal na restaurant tuwing suweldo? Naku! Malabong makaipon ka kung sa tuwing payday, nasa galaan ka.
  3. Maraming sinosoportahan – May pinag-aaral ka ba? O, maaaring isa sa mga miyembro ng pamilya mo ay may sakit at ikaw ang nakatoka sa maintenance na gamot niya. Puwede rin namang, ikaw ang umaako sa lahag ng gastusin ng pamilya tulad ng renta sa bahay, monthly grocery, bill sa kuryente at tubig, at iba pang regular na baharin.
  4. Mga luho – Kung hindi ka mapakali sa tuwing may bagong modelo ng cell phone na lumalabas sa merkado at gusto mo palaging makiuso, hindi ka rin makakaipon. O kaya naman ay, may nakita kang kahit anong bagay na gusto mo pero hindi mo naman kailangan pero bibilhin mo, wala ring tsansang makaipon ka.
  5. Lubog sa utang – Isa pa ito sa mga pinaka-pangunahing dahilan at pinakamadalas na nagiging sanhi ng hind pagakakaroon ng ipon. Kung madalas, ang ang suweldo mo o sa tuwing may dumarating kang pera ay ipinangbabayad mo lang ng utang at madalas, kulang pa, mababa rin ang tsansang makapagtabi ka ng pang-Christmas shopping mo. Kung gawain mo ring umutang para ipambayad din sa utang, hindi matatapos ang prolemang ito at hindi ka rin talaga makakaipon.

Mga dapat gawin para makaipon

Kaya naman, dito, bibigyan ka namin ng mga ipon tips na realistic at mas makatutulong sa iyo. Pero bago ka namin turuan kung paano mag-ipon ng mabilis, importanteng malaman muna ang solusyon sa mga nabanggit na problema kung bakit hindi ka makaipon-ipon. Tiyak na isa (kung hindi man lahat) sa mga iyan ang dahilan mo, hindi ba? Narito ilang mga ipon tips na maaaring gawin para makapag-umpisa ka na sa pag-iipon:

  1. Kung wala kang trabaho, umpisahan na ang paghahanap. Hindi sa lahat ng oras ay totoo ang kasabihang mahinap maghanap ng trabaho ngayon. Baka minsan, choosy lang ang tao. Maging resourceful ka sa paghahanapng mapagkakakitaan. Kung hindi ka man suwertehin sa walk-in job application, subukan mong mag-apply online. Makiuso ka sa growing number of online o home-based workers.
  2. Baguhin ang lifestyle. Hindi naman bawal magsaya. Paminsan-minsan, deserve mo rin namang mag-celebrate—pero huwag naman sobra-sobra. Huwag gawing tuwing payday ang gimik o huwag dalasan ang pagkain sa labas. Kung gusto mong mag-unwind, puwede rin namang sa bahay nalang ito gawin. Mas makakatipid ka na, komportable ka pa.
  3. Kung isa kang breadwinner, o kaya naman ay may malaki kang responsibilidad sa inyong pamilya, okay lang iyan. Hindi naman namin sinasabing huwag kang magbigay o solohin mo lang ang kinikita mo. Pero kung malakas naman ang pangangatawan mo, puwede ka namang mag-doble kayod. Halimbawa, humanap ka ng sideline, raket, o extra income. Marami kang options diyan. Mamaya, mamaya, bilang bahagi ng aming ipon tips, bibigyan ka rin namin ng mga mapagpipilian mo ng pagkakakitaan.
  4. Matuto kang makuntento sa kung anong mayroon ka. Oo naman! Talaga namang nakaka-engganyo ang mga ads at promotion ng mga produkto lalo na kung gadget iyan dahil usong-uso ngayon. Pero kung napapakanibangan pa naman ang mga gamitmo gaya ng cellphone, pagtiyagaan mo nalang muna kung ano ang nagagamit mo pa kahit pa hindi ito latest model o edition.
  5. Dapat lang namang bayaran ang iyong inutang. Pero hangga’t maaari, iwasan mong umutang ng ibabayad mo rin sa utang. Matutong makiusap o makipag-ayos sa isang settlement. Kung hindi mo kayang magbayad sa napag-usapang halaga, mahalagang ipaalam kaagad ito sa hiniraman mo para sa isang maayos na agreement. Ang importante, hindi ka nagtatago at nakikiusap ka nang maayos.

Ipon Tips na makakatulong sa iyo

Sigurado namang gusto mong maging happy may okasyon man o wala, di ba? Kaya naman simula pa lang ngayon, matuto ka na kung paano magtipid ng pera. Hindi kailangang malaki ang suweldo mo para matutunan kung paano magtipid kailangan lang maabilidad ka at alam mo kung paano mag-budget ng pera mo. Narito ang ilang mga tipid tips na makatutulong sa iyo para makaipon at magkaroon ng pera para lagi kang handa sa lahat ng panahon:

  1. Kung malapit lang ang pupuntahan, maglakad na lamang sa halip na sumakay. Nakatipid ka na, may exercise ka pa! O, di ba? Magiging fit and wealthy ka pag nagawa mo ito!
  2. Huwag maging brand conscious sa mga produktong ginagamit. Basta’t siguraduhin lang na ang mga bibilhing produkto, ano man iyan, ay matibay at pangmatagalan.
  3. Kung may lakad ka na hindi naman kainan, kumain muna sa bahay para hindi kaagad magutom. Sa ganitong paraan, makakaiwas ka sa pagkain sa labas o fastfood.
  4. Kung ikaw ay isang magulang, hanga’t maaarin, huwag nang magsama ng batang anak sa pamimili sa grocery at mag-stick lamang sa mga nakalistang ‘household needs’ mo. Kasalasan, kapag may kasamang bata, hindi maiwasang magturo ito ng mga gusto at hindi ka na rin makakaiwas sa pagtanggi.
  5. Kung hindi naman masyadong nakakapagod ang pang-araw-araw na gawain o trabaho, maari kang kumuha ng sideline, raket o extra income. Ilan sa mga maari mong pagkakaitaan ang mga sumusunod:
    • Pagtitinda ng mga produktong alam mong patok sa mga target customer mo
    • Paghahanap ng sideline kagaya ng online writing, encoding, o ano mang maaari mong gawin na alam mong may kakayan kang pagkakaitaan ito, basta ba’t maayos at marangal, ha.
    • Pagga-garage sale o pagbebenta ng mga gamit na hindi mo na ginagamit pero alam mong mapapakinabangan pa ng iba.
    • Tutorial service sa mga batang kailangan ng suporta sa kanilang mga gawaing pampaaralan

Napakarami pang puwede mong gawin para magkaroon ng pera kahit kailan para pag kailangan mo ito, may nahuhugot ka at hindi na kailangan pang umutang. Sa dami ng mga nabanggit na ipon tips at mga paraan kung paano magtipid, iisa lang naman ang tinatawag na bottom line diyan kung paano ka magkakaroon ng ‘financial breakthrough’ o ‘financial freedom’. Magkaroon ka ng lifestyle change. Iyan ang pinaka-importante sa lahat. Kung magkano man ang pera sa wallet, bank account o bulsa mo, pilitin pagkasyahin. At kung, kaya pa, magtabi ng 10% ng kinita bilang parte ng iniipong pera.

Gaano kapaki-pakinabang ang artikulong ito?

Paano Mag-ipon ng Pera? – Praktikal na Mga Ipon Tips Para Magkapera
5 (100%) 1 vote